Tinabla ni Senator Risa Hontiveros ang kahilingan ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na ilagay siya sa hospital arrest sa Davao City.
Punto ng senadora, seryosong mga krimen ang kinakaharap ni Quiboloy tulad ng human trafficking, rape, at child abuse kaya dapat pantay ang trato sa mga akusado anuman ang kanilang katayuan o koneksyon sa buhay.
Iginiit pa ni Hontiveros na wala dapat special treatment kay Quiboloy dahil ang kahilingan nito na hospital arrest sa Davao ay wala sa lugar.
Hindi rin aniya dapat mamili si Quiboloy kung saan siya ikukulong dahil wala na siya sa loob ng “King Dome” kaya hindi na rin siya dapat mag astang parang Diyos.
Nauna nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na humiling sa Pasig City Regional trial Court (RTC) branch 159 ang kampo ni Quiboloy at isa pang kapwa akusado nito na si Ingrid Canada ng hospital arrest sa Davao.