Napunta sa Senate Blue Ribbon Committee at sa Senate Ways and Means Committee ang inihaing resolution number 998 ni Senator Koko Pimentel noong Abril.
Sa nasabing resolusyon ay pinapaimbestigahan ang umanoy kabiguan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kolektahin ang estate taxes ng pamilya Marcos na sinasabing nasa ₱203-B.
Chairman ng Blue Ribbon Committee si Senator Richard Gordon habang si Senator Pia Cayetano ang Chairperson ng Committee on Ways and Means Committee.
Iginigiit sa nasabing resolusyon na magpaliwanag ang mga opisyal ng BIR ngayon at sa nakalipas na 25 taon dahil sa kabiguan na makolekta ang umanoy dapat habuling buwis mula 1997.
Ayon kay Pimentel, depende na sa chairman ng dalawang komite kung may panahon sila na magsagawa pagdinig.
Sabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, kahit mag adjourn sine die ang Senado sa susunod na linggo ay maaring pa namang magsagawa ng pagdinig ang mga komite pero anumang resulta nito ay hindi na maihaharap sa plenaryo.