Manila, Philippines – Walang suportang nakuha mula sa mga Senador ang hiling ni Congressman Rudy Fariñas na maging exempted sa traffic violations silang mga kongresista.
Ayon kay Senate Majority Leader Tito Sotto III, totoong nasa konstitusyon na hindi pwedeng arestuhin ang mga mambabatas na makagagawa ng paglabag sa batas trapiko kung nasa session ang kongreso.
Pero paglilinaw ni Sotto, ito ay maipapatupad lamang kung ang ang kongresista mismo ang nagmamaneho ng kanyang sasakyan.
Paliwanag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, kung hindi maaring arestuhin ay hindi dapat paligtasin sa pananagutan ang sinumang mambabatas na magkakaroon ng traffic violations.
Hindi naman nagustuhan ni Senator Richard Gordon ang special privilege na nais ni Fariñas para sa kanilang hanay.
Hindi rin tama para kay Gordon na lantaran pa itong hiniling ni Fariñas.
Mungkahi ni Gordon, makakatulong kung kukuha na lang ng hagad ang mga mambabatas na nagmamadali at hahabol sa session.