Kinatigan ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang hiling ng health workers na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) pansamantala o kahit dalawang linggo ang National Capital Region (NCR) dahil umaapaw na ang mga ospital dulot ng lomolobong COVID-19 cases.
Diin ni Senator Panfilo Ping Lacson, valid ang request ng medical professionals at dapat itong ikonsidera ng Malakanyang.
Paliwanag naman ni Senator Sonny Angara, kung ang mga doktor at medical system ay nahihirapan na, tiyak na maaapektuhan nito ang buong estratehiya ng gobyerno laban sa COVID-19.
Mungkahi ni Angara sa Inter-Agency Task Force (IATF) gayundin sa Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG), agad pakinggan ang panig ng health sector para maaksyunan sa lalong madaling panahon.
Batid naman ni Senator Richard Gordon, na talagang pagod na ang mga doktor at punung-puno na rin ang mga isolation areas kaya dapat mapag-aralang mabuti agad ang kanilang apela at ang tunay na estado ng kalusugan ng mamamayan.
Sa tingin naman ni Senator Ronald Bato dela Rosa, kahit masasakripisyo ang ekonomiya ay maaari ang pansamantalang ECQ sa Metro Manila dahil puno na ang mga ospital at dumadaing na ang mga medical frontliners.