
Hindi pinagbigyan ng Senado ang hiling ni Senator Rodante Marcoleta na suspendihin muna ang rules para marinig mismo kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang paglilinaw at paghingi nito ng paumanhin tungkol sa pag-sangayon nito na maaaring baluktutin ang batas.
Sa pagsisimula pa lang ng budget deliberations para sa Office of the Ombudsman, agad na kinwestyon ni Marcoleta ang pagkatig ni Remulla hinggil sa “bend the law” o huwag sundin ang batas sa gitna ng naging pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa mga maanomalyang flood control projects.
Paliwanag ni Senator Sherwin Gatchalian, na siyang sponsor ng Ombudsman budget sa plenaryo, ang nasabi noong una ni Remulla tungkol sa “bend the law” ay figure of speech lamang at walang intensyong baliin ang batas.
Nilinaw din ng senador na ang bagong Ombudsman ay may prinsipyo ng pagsunod at pagtaguyod sa batas dahil naniniwala si Remulla na ang “rule of law” ay supreme o pinakamataas.
Gayunman, nang hilingin ni Marcoleta na mag-public apology si Remulla tungkol dito, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na hindi nila mapagbibigyan ang hiling dahil nasagot naman ang mga isyung tinanong ng senador.









