Pinag-aaralan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ng Estados Unidos kaugnay sa suspensiyon ng pagpapawalang-bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Kasunod ito ng pahayag ni US National Security Advisor (NSA) Robert O’Brien na mas makabubuti kung palalawigin pa ng isang taon ang suspensiyon ng pagpapawalang-bisa sa VFA.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, noted na ni Pangulong Duterte ang hiling na ito.
Ang Pangulo rin aniya ang magdedesisyon bilang Chief Architect ng Foreign Policy ng Pilipinas.
Samantala, ibabasura ni US President-elect Joe Biden ang polisiya ni President Donald Trump na “America First” sa oras na maupo na siya sa pwesto.
Paliwanag ni Biden, handa siyang baguhin ang foreign policy approach ng kasalukuyang administrasyon at makipagtulungan muli sa mga kaalyadong bansa.
Habang pagiging multilateral at diplomatiko ang kaniyang gagawing paraan para maayos ang mga nasirang ugnayan ng Amerika.
Matatandaan na sa loob ng apat na taong pamumuno ni Trump ay hindi naging maganda ang pakikitungo nito sa mga kaalyadong bansa gayundin sa ugnayang pangkalakalan.