
Bumwelta ang PDP-Laban sa hiling ng ilang grupo na mag-inhibit sa impeachment proceedings ni Vice President Sara Duterte sina Senator Bato dela Rosa at Bong Go.
Sina Go at Dela Rosa ay kilalang kaalyado ni VP Sara at kapwa nanungkulan noon sa administrasyong amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio na siyang bagong talagang tagapagsalita ng partido, dapat idaan sa tamang channel at hindi sa media lamang kung gusto ng grupong Tindig Pilipinas na hindi lumahok ang dalawang senador.
Pinuna rin ni Topacio ang sinasabing batayan para ituring na “bias” ang dalawang senador.
Ayon sa abogado, kung naniniwala silang ‘biased’ ang mga ito ay dapat ding ipanawagan ng grupo na mag-inhibit ang 18 bumoto para i-remand ang articles of impeachment pabalik ng Kamara.
Pero sakali aniyang mangyari ito ay wala nang magiging quorum at hindi makakabuo ng bilang para ma-convict o ma-abswelto si VP Sara.
Sa huli, dapat din aniyang mag-inhibit ang mga senador na may kaugnayan sa political party na kinabibilangan ng koalisyon sa Kamara na bumoto para ma-impeach si VP Sara kung ganito ang paninindigan ng ilang grupo.









