Manila, Philippines – Ngayon pa lang ay nagpahayag na ang House Committee on Justice na posibleng hindi pagbigyan ang hirit ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maisailalim sa direct cross examination ang mga saksi na ihaharap sa komite para sa pagdetermina ng probable cause at merito.
Paliwanag ni Justice Committee Chairman Reynaldo Umali, sa ilalim ng rules ng Kamara hindi pinapayagan na magkwestyon ang mga abogado ng respondent sa saksi sa kanilang pagdinig.
Ang mga ito ay pwede lamang magbigay ng advise sa kliyente pero hindi pwedeng magkaroon ng direktang partisipasyon sa pagdinig.
Maaari ding magbato ng tanong sa saksi ang mga abogado ni Sereno pero idadaan ito sa mga kongresista alinsunod sa panuntunan.
Pero, bumwelo si Umali na kung sakaling haharap si Sereno sa komite at ito ang magtatanong sa mga testigo ay posibleng pagbigyan ito dahil tutal ay ito naman ang Punong Mahistrado.
Samantala, iginiit naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na may basehan ang hiling ni Sereno dahil ang right to confront and cross examine witnesses ay salig sa konstitusyon at rules on impeachment.