Hiling ng Pinoy seafarers na maturukan ng western brand ng COVID-19 vaccines, pinagbigyan ni Pangulong Duterte

Bibigyang prayoridad ang mga Filipino seafarers na makatanggap ng western brand ng COVID-19 vaccines.

Ito ay matapos pagbigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ng mga seafarers na maturukan ng western vaccines lalo na kabilang ito sa requirement para sa kanilang overseas employment.

Sa kanyang Talk to the Nation Address, inatasan ni Pangulong Duterte si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na magsagawa ng vaccination sa mga Pilipino seaman para umusad na ang kanilang deployment abroad.


“We are ready to vaccinate them with the western brand. There is no violation of the equal protection of law because… there is no distinction and there is no clear evidence to show that Pfizer, Moderna are superior to the Sinovac and Sinopharm. Puro bakuna ‘yan. It’s generic,” sabi ni Pangulong Duterte.

Iginiit din ni Pangulong Duterte na walang magiging paglabag sa equal protection clause dahil kinakailangan ito ng kanilang trabaho.

Bago ito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hinihiling ng mga Filipino seafarers na mabakunahan ng mga brand ng COVID-19 vaccines na inawtorisa ng European Union, ito ay ang bakuna ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca at Johnson & Johnson.

Nais din ng mga Pinoy seafarers na mabakunahan sila sa kanilang mga probinsya para maiwasan ang pagsisikip sa Metro Manila.

Nagpapasalamat aniya ang mga grupo ng seafarers kay Pangulong Duterte sa kanyang desisyon.

Facebook Comments