Ibinasura ng Supreme Court en Banc ang kahilingan ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta na tanggalin ang Section 22, Canon III ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) na nagsasabing maaari nang maging kinatawan ng magkalabang partido sa isang kaso ang mga PAO lawyer.
Ipinaalala ng SC sa PAO na ang pangunahing mandato nito ay magkaloob ng libreng legal assistance sa mga maralita.
Nauna nang sinabi ni Acosta na magkakaroon ng conflict of interest kung ipatutupad ang Section 22, Canon III ng CPRA.
Mistula aniyang pinagsasabong ang mga PAO lawyer kaya maaring magmukhang nagkukunwari ang justice system.
Giit ng Korte Suprema, ang pagtanggi sa mga mahihirap dahil lamang sa “conflict of interest” ay taliwas sa pangunahing tungkulin ng PAO na tulungan ang mga tao na walang sapat na pera para kumuha ng pribadong abugado.
Samantala, hindi rin pinalampas ng Korte ang walang tigil na tirada ni Acosta sa publiko laban sa Canon III, Section 22 ng CPRA kung saan sinasabi nito na iligal ang naturang section at isa umano itong panghihimasok sa trabaho ng PAO.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ng Korte Suprema si Acosta kung bakit hindi siya dapat patawan ng kasong indirect contempt dahil sa kaniyang mga social media post at newspaper publication.