
Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ni Cassandra Li Ong na kumukuwestiyon sa resolusyon na kasuhan siya ng qualified human trafficking dahil sa pagkakadawit sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa pitong pahinang desisyon ng Court of Appeals 13th Division na pirmado ni Associate Justice Pablito Perez, iginiit ng korte na hindi naging sapat o katanggap-tanggap ang paliwanag ni Ong dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso.
Ayon sa CA, dapat dumaan muna sa Department of Justice (DOJ) si Ong upang kwestiyunin ito at hindi agad dumiretso sa appellate court.
Alinsunod anila sa rules of court ay kailangan munang maghain ng motion for reconsideration lalo na kung may ganito namang opsyon.
Nag-ugat ang kaso laban kay Ong mula sa complaint-affidavit na inihain noong nakaraang taon sa DOJ kung saan naharap siya sa reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Ayon kay Ong, hindi siya nabigyan ng due process nang magdesisyon agad ang DOJ panel of prosecutors na i-indict siya sa krimen.
Matatandaang si Ong ay inaresto dahil sa pagkakadawit sa sinalakay noon na POGO Hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga kung saan siya nagsilbing kinatawan.









