Ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang hiling ni dating Customs Chief Nicanor Faeldon na bawiin ang ipinalabas nitong warrant of arrest kaugnay ng kinakaharap nitong dalawang kaso ng graft.
Sa 37-pahinang desisyon, sinabi ng Sandiganbayan na mayroon silang nakitang probable cause at wala itong nakitang merito para pagbigyan ang hiling ni Faeldon.
Hindi rin nagustuhan ng Sandiganbayan ang mga pahayag ng abugado ni Faeldon na si Atty. Jelina Maree Magsuci sa mga inihain nitong Urgent Motion at Supplement.
Sa inihain nitong Urgent Motion, sinabi ni Magsuci na maaaring naapektuhan ng COVID-19 ang mga hurado kaya hindi nila nagawang maayos ang kanilang trabaho.
Matatandaang ang mga kaso laban kay Faeldon ay kaugnay ng pagpapalabas umano nito ng libu-libong sako ng bigas na inangkat ng Cebu Lite Trading Inc. kahit na dumating ito sa Port of Cagayan de Oro ng walang kaukulang import permit.
Dalawang beses umano itong nangyari. Ang una ay pagpapalabas ng P18.5 milyong halaga ng bigas at ang ikalawa ay nagkakahalaga ng P15.4 milyon.