Hiling ni dating PS-DBM Head Lloyd Lao na i-lift ang lookout bulletin laban sa kanya, ibinasura ng Blue Ribbon Committee

Ibinasura ng Senate Blue Ribbon Committee ang hiling ni dating Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) Head Lloyd Christopher Lao na mabigyan siya ng clearance upang i-lift o alisin na ang inisyu ng Bureau of Immigration (BI) na Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa kanya.

Sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng komite ay agad na binasa ni Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang naging desisyon ng panel patungkol sa hirit ni Lao.

Sa botong 10 na tutol sa request ni Lao, 5 na sangayon, at 2 na hindi bumoto ay hindi pinagbigyan ng komite ang hiling na ma-lift ang lookout bulletin ng dating Budget Undersecretary.


Agad ding inatasan ni Tolentino ang Committee Secretariat na magisyu ng liham ng desisyon ng komite kay Lao at sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Matatandaang si Lao ay muli nanamang nakaladkad ang pangalan sa isyu ng overpriced na laptops na binili ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng PS-DBM.

Bagama’t kinakatwiran noong una ni Lao na wala na siya sa PS-DBM nang bilhin ang mga overpriced na laptops pero lumalabas sa pagdinig na karamihan ng mga dokumento sa pagbili ng mga laptops ay mayroong lagda ni Lao.

Facebook Comments