Hiling para sa random sampling ng mga balotang naimprenta na ng Comelec, inihain ng isang election lawyer

Nagsumite ng liham ngayong araw sa Commission on Elections (Comelec) si Election Lawyer Atty. Romulo Macalintal kaugnay ng mungkahi nitong magsagawa ng random sampling sa mga balotang naimprenta na para sa halalan sa Mayo.

Ito ay matapos na batikusin ang poll body dahil sa hindi nito pagpapapasok ng mga observers sa loob ng National Printing Office at sa kanilang warehouse sa Sta. Rosa, Laguna.

Sa panayam ng RMN Manila, iginiit ni Macalintal na dapat ay nagpadala man lang ng notice ang Comelec sa mga political party hinggil sa pagsususpinde nila sa pagpapapasok sa kanilang warehouse dahil sa restriksyon bunsod ng COVID-19.


Aniya, labag sa batas ang ginawa ng Comelec pero wala na tayong magagawa dahil 70% na ng mga balota ang naimprenta.

“Ayaw naman naming kami ay maakusahan na kami ay nagde-delay ng proceeding kasi hindi naman namin pwedeng hingin na ibalewala lahat ng balotang yun at magsimula tayo ng panibagong pag-iimprenta,” ani Macalintal sa panayam ng RMN Manila.

Kaugnay nito, sinabi ni Macalintal na pinakamabilis nang paraan para masubukan at masigurong walang mali sa mga balota ang pagsasagawa ng random sampling.

“Kaya kahapon, sinuggest ko, bakit hindi tayo magkaroon ng random sampling ng mga balotang naimprenta na kung saan ang mga political parties, kanilang mga kinatawan ay papayagan ng Comelec na mamili ng balota para ito ay kanilang subukan kung talagang iyan e tatanggapin ng makina, kung talagang ito ang the same ballots that will be used sa May 2022 elections,” dagdag niya.

Facebook Comments