
Iginiit ng Malacañang na nananatiling bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makinig sa lahat ng sektor ng paggawa kaugnay sa panukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawa.
Kabilang dito ang mga manggagawa, negosyante, at mamumuhunan upang makabuo ng mga desisyong makabubuti para sa magkabilang panig.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, patuloy na ipinatutupad ng administrasyon ang mga programang layong mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino.
Halimbawa ang pagdaraos ng mga job fair, na aniya’y nakalikha na ng 170,000 trabaho mula 2022 hanggang Mayo 1, 2025.
Dagdag pa ni Castro, umabot na sa 350,000 ang mga trabahong nalikha sa buong bansa mula 2022 hanggang 2024 bunsod ng US $27 bilyong halaga ng pamumuhunan na pumasok sa Pilipinas.
Matatandaang inaprubahan kamakailan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board na dagdag na P50 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.









