Naipahayag sa kongreso ang saloobin at hinaing ng mga magsasaka sa lalawigan ng Pangasinan ukol sa nararanasang suliranin sa sektor ng agrikultura.
Sa pamamagitan ni Pangasinan 6th District Representative Marlyn Agabas, partikular nitong tinukoy ang problema ng mga magsasaka pagdating sa presyuhan ng palay.
Ayon sa kanya, sa naging dayalogo sa pagitan nito at mga magsasaka sa buong distrito, napakababa umano ang presyo ng palay bagamat napakamahal naman ang mga kinakailangang kasangkapan sa pagsasaka.
Daing din ng mga magsasaka ang direktang epekto umano ng mga nagdaang bagyo sa kanilang hanapbuhay, maging ang kakulangan sa mga dryers na sana umano ay makakatulong upang maibsan man lang ang kanilang problema.
Aminado naman si Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na napakalaking problema umano talaga ang palay prices at nanindigan itong tututukan ang mga napuntong krisis sa agrikultura.
Samantala, patuloy na umaasa ang mga magsasaka sa lalawigan ng Pangasinan sa suporta ng pamahalaan lalong lalo na ang ukol sa nais na patas na presyo ng palay. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









