HINAING NG MGA MARKET VENDORS SA CAUAYAN CITY, TINALAKAY SA ISANG OPEN FORUM

Cauayan City, Isabela- Personal na nagtipon-tipon kahapon sa isinagawang Open Forum ang mga vendors presidente ng bawat vendor section ng pamilihan ng Lungsod ng Cauayan; pinuno ng Primark kasama ang ating mga City Officials sa pangunguna ni Mayor Jaycee Dy Jr kung saan binanggit at tinalakay ng mga tenants ang kanilang mga hinaing at problema.

Sa naturang meeting ay binigyan ng pagkakataon na makapagsalita ang pinuno ng bawat section ng pamilihan upang mailatag ang kanilang ng mga reklamo.

Karamihan sa mga hinaing ng mga vendors partikular sa meat and chicken section, fish, at vegetable section ay ang madalas na pagbaha sa loob at labas ng palengke sa tuwing maulan ang panahon at kahit panandalian lamang ang buhos ng ulan.

Perwisyo raw ito sa kanilang kabuhayan dahil imbes na bibili sa kanila ang mga tao ay sa labas o talipapa na lamang sila bumibili.

Inireklamo naman ng mga nasa Dry Good Section ang kawalan ng bentilasyon sa kanilang area na kung saan ay napakainit umano sa kanilang lugar at sira-sira pa ang ilan sa mga ilaw.

Ang ilan naman ay umapela sa pamunuan ng Primark na bawasan ang singil sa kanilang renta lalo na’t naglipana na ang mga talipapa o mga nagtitinda sa labas ng palengke.

Ayon sa mga vendors, malaking lugi sa kanilang pagtitinda ang pagtatayo ng mga talipapa na tinatangkilik na rin ng mga mamimili. Bukod dito, nabanggit din ng mga nagtitinda sa loob ng palengke ang napapabayaang Comfort Room dahil sa mapanghing amoy at hindi na namimintina ang kalinisan.

Inihayag naman ng overall President ng palengke ng Cauayan na si Rosita Vigan na sana ay sa pamamagitan ng kanilang meeting ay matugunan na ang Primark at LGU Cauayan ang kanilang matagal nang pinoproblema.

Sagot naman ng pamunuan ng Primark sa pamamagitan ni Mr. Ryan Marcos, Area Manager na sisikapin nitong ipaabot sa kanilang head office ang lahat ng mga hinaing ng mga vendors o tenants sa palengke na kung saan ay hiniling din nito ang pag-intindi ng mga nagtitinda pero tiniyak naman na tututukan ang paglutas sa mga problema sa primark.

Nanawagan din ito sa mga nasa wet section na gawin din ang responsibilidad na pagpapanatili ng kalinisan sa bisinidad at iwasang tapunan ng basura o anumang bagay ang mga drainage canal na nagdudulot ng agarang pag-apaw ng tubig at baha sa loob ng palengke.

Kaugnay nito, iminungkahi naman ni Councilor Miko Delmendo na magbigay ng timeline ang pamunuan ng Primark kung paano at kailan nila ito uumpisahang iisa-isahing solusyunan ang bawat reklamo ng mga vendors.

Samantala, magkakaroon ng botohan ang mga market vendors para sa bagong set ng kanilang mga opisyal para matutukan at magkaroon ng boses ang bawat grupo o samahan ng mga nagtitinda sa pribadong pamilihan.

Facebook Comments