Pinaaaksyunan agad ni Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor sa Department of Health (DOH) at sa San Lazaro Hospital (SLH) ang hinaing ng nurses sa nasabing ospital.
Iginiit ng kongresista na hindi dapat pinahihirapan ang medical frontliners sa ganitong panahon dahil hindi biro ang kanilang ginagampanang papel sa harap ng banta ng COVID-19.
Sa kanilang silent protest, nanawagan ang nurses sa San Lazaro Hospital para sa mas maayos na kondisyon sa kanilang trabaho.
Ayon kay Defensor, dapat namang bigyan ng sapat na proteksyon gaya ng Personal Protective Equipment (PPE) at N95 masks ang mga nurse dahil tumutugon sila sa pangangailangan ng mga pasyenteng may COVID-19.
Suportado rin ng mambabatas ang pagkuha ng dagdag na mga tauhan para makapagpahinga at mabawasan ang workload ng medical staff gayundin ang pagbabayad ng sweldo sa panahon ng quarantine ng mga magkakasakit at ang agarang implementasyon ng dagdag na sahod sa government nurses.