Manila, Philippines – Hinamon ng Commission on Human Rights (CHR) ang kongreso na suriin muli ang pamantayan sa pagdetermina kung sino ang kuwalipikadong makatanggap ng bayad pinsala mula sa nabawing yaman ng mga Marcos.
Ginawa ni Atty. Jacqueline de Guia, CHR spokesperson ang pahayag kasunod ng lumabas na may 75,000 claims ang hindi inaprubahan ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB) dahil hindi nakasunod sa itinakdang criteria.
Sinabi ni de Guia na tungkulin ng kongreso na silipin muli ang batas na lumikha sa HRVCB upang mailinaw ang mga sumulpot na kwestyon.
Aniya, ang mabilis na pag-aksyon ng sangay lehislatura ang tanging paraan para iresolba ang isyu ng transitional justice.
Idinagdag ni de Guia na isa itong makasaysayan o historic na pangyayari dahil nabigyan na rin pagkilala ang sakripisyo ng ilang Pilipino na naging biktima ng summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Marcos.