Muling binuhay ng grupong Alyansa kontra Mina ang kanilang hamon kay Environment Secretary Roy Cimatu na seryosong ‘enforcement’ sa pagpapasara ng mga minahan at pagbabawal sa open-pit mining.
Ginawa ng grupo ang pahayag matapos ang pinsalang iniwan ng bagyong Ompong kung saan muling nasaksihan ng Pilipinas ang kinakaharap na mga problema sa tuwing may kalamidad na may kaugnayan sa climate change.
Sa forum, dahil sa trahedya sa Itogon,Benguet, sinabi ni dating DENR Secretary Gina Lopez na panahon na para ipatupad na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang closure order laban sa 26 mining operations na napatunayan nila na may paglabag sa environmental laws.
Ang kautusan ay unang ipinatupad noong panandaliang hinawakan ni Lopez ang ahensya alinsunod sa ginawang mine audit noong 2016.
Iginiit ng Alyansa Tigil Mina na fake news lamang ang ipinangangalandakan ng mining industry na responsible mining ang kanilang ginagawa sa bansa.
Sa katunayan, mahaba ang listahan nila ng mga ebidensya ng paglabag ng mga mining companies sa kanilang operasyon.