Manila, Philippines – Hinamon ng grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang lahat ng local governments na sumunod sa inisyatibo ng Quezon City government sa pagpasa ng isang ordinansa na magbibigay ng insurance para sa mga pasahero ng tricycle.
Kasunod ito ng paghihigpit ng mga otoridad sa operasyon ng mga tricycle dahil sa ilang ‘safety issue’ gaya ng overloading at pagdaan sa mga national highway kung saan hindi sila pinapahintulutan.
Sinabi ni LCSP President Atty. Ariel Inton na ngayon na ang panahon para atupagin ng local governments na gawing rekisito ang pagkakaroon ng tricycle passenger accident insurance ngayong ‘timing’ naman ang restriksyon ng LTFRB at MMDA.
Idinagdag ni Atty. Inton, hanggat walang polisiya ang isang LGU ay hindi rin tiyak ang kapakanan ng pasahero sakaling maaksidente sapagkat ang tricycle lang aniya ang katangi-tanging pampublikong sasakyan na hindi na kailangan ng insurance para mabigyan ng prangkisa.
Katunayan, mas mapapadali aniya na magpatupad ng naturang ordinansa ang mga LGUs sakaling bumuo at maglabas ng direktiba para dito ang mismong Department of the Interior and Local Government (DILG) pati na ng Department of Transportation (DOTr).