Manila, Philippines – Hinamon ni Buhay Party list Representative Lito Atienza si MMDA Chairman Danilo Lim na alisin ang korapsyon sa kanilang ahensya sa halip na magpatupad na bawal na ang driver lamang sa EDSA lalo na tuwing rush hours.
Giit ni Atienza, dapat na tanggapin ng MMDA na ang solusyon para sa matinding traffic ay magsisimula at responsibilidad ng ahensya.
Ipinunto ni Atienza na dapat na resolbahin ang problema sa traffic tulad ng mga corrupt na traffic enforcers, kawalan ng maayos na traffic signs at mga alanganing pagtatayo ng bus terminals.
Kung masosolusyunan ito, tiyak na 50% ang iluluwag ng problema sa traffic.
Sinabi ng kongresista na ginagawang guilty ng MMDA ang taumbayan gayong ito ay kagagawan naman talaga ng ahensya.
Nawawala na rin aniya ang sense of priority at fairness ng MMDA dahil marami ang mga maaapektuhan ng “driver-only ban” sa EDSA.