Manila, Philippines – Hinamon ni Akbayan Representative Tom Villarin ang Duterte Administration na sampahan ng kaso ang mga kongresista na sangkot umano sa iligal na droga.
Ito ay kasunod na rin ng bagong narco-list na inilabas ng PDEA kung saan anim hanggang pitong kongresista ay kabilang sa mga 91 bagong halal na government official na sangkot sa iligal na droga.
Nababahala si Villarin na nakakaladkad at nababahiran na naman ang buong institusyon sa iligal na droga.
Giit ng kongresista, dapat masusing vine-verify at dumaan sa due process ang paglalabas ng narco-list dahil lahat ng mga kongresista ay posibleng mapagbintangan.
Mainam aniya na sampahan ng kaso ang isang kongresistang totoong sangkot sa iligal na droga at ipaubaya sa korte ang proseso.
Pinuna ng mambabatas na palagi na lamang nilalabag ng Duterte Administration ang due process at ang batas sa paglalabas ng listahan na hindi beripikado.