Manila, Philippines – Tila napuno na at hinamon ni Vice President Leni Robredo ang mga kolumnistang nagpakalat ng fake news ukol sa kanyang biyahe sa Germany.
Kamakailan ay isinulat ng dating Ambassador to Cyprus at Greece na si Rigoberto Tiglao sa kanyang column sa The Manila Times na nakipagpulong si Robredo at kanyang mga kasamahan sa Liberal Party sa German members ng European parliament.
Sinabi ni Tiglao na hinimok ni Robredo at ng kanyang partido ang European parliament na mag-apruba ng resolution na nanawagan sa Pilipinas na itigil ang Extra Judicial Killings (EJK) sa ilalim ng giyera kontra droga.
Sa kanyang twitter account, tinawag ni Robredo si Tiglao na ‘purveyor of fake news’.
Iginiit ni Robredo na wala siyang kinausap na sinumang EU official o representative habang siya ay nasa Germany.
Dagdag pa ni Robredo, nag-email si Tiglao sa kanyang opisina at nagbabantang maglalabas pa ng fake news.
Sa kabila nito, naniniwala si Robredo na mananaig ang katotohanan at tinatanggap niya ang banta ni Tiglao.