Manila, Philippines – Tinatayang P16,000,000 halaga ng kulay pulang sibuyas mula sa China ang naharang ng Bureau of Customs sa Manila International Container Port.
Ang kontrabando na nakalagay sa 20,000 karton na idineklarang mansanas, naka-consign sa ASD Total Package Enterprises Inc. ay lulan ng walaong containers na dumating sa MICP noong Agosto 14.
Ang pagkakatuklas sa kontrabando ay kasunod ng Alert Order na inisyu ng MICP Office of the District Collector na nagresulta sa pagkakabuking mga pulang sibuyas na tinatakpan ng mga kahon ng mansanas.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, modus na ng mga smuggler ang hindi pagdedeklara ng tunay na importasyon upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis.
Paliwanag pa ni Lapeña, kung nakalusot ang mga sibuyas, sasamantalahin ng mga smuggler ang mataas na presyo ng mga bilihin sa merkado.
Una na ring nasabat ang P12-milyong halaga ng sibuyas na tinangkang ipuslit ng ASD ngunit nasabat sa MICP.