Manila, Philippines – Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pangangalagaan nila ang karapatang pantao habang umiiral ang pinalawig na Martial Law sa buong Mindanao.
Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni AFP Acting Spokesman Colonel. Edgard Arevalo, ito ang mahigpit nilang ipinaalala sa kanilang mga tauhan na nakadestino sa Mindanao habang ipinatutupad ang batas militar doon.
Sinabi pa ni Arevalo na mayroong Human Rights Office ang AFP kung saan doon maaaring idulog ng publiko ang kanilang mga reklamo sa pangaabuso ng ilang sundalo.
Tiniyak din naman ni Arevalo na anumang matanggap na reklamo ay agad na aaksyunan at iimbestigahan para maparusahan ang mga sundalong nagmalabis sa kanilang kapangyarihan.
Paliwanag pa ni Arevalo sa publiko, kapag hindi isinumbong ang kanilang mga reklamo ay mananatili lamang itong alegasyon at hindi maaaksyunan.