Manila, Philippines – Kinontra ng ilang mambabatas ang balak na pagtatayo ng hotel casino sa Boracay.
Ayon kina Samar Representative Edgar Mary Sarmiento at Muntinlupa Representative Ruffy Biazon, hindi kailangan ng Boracay ng isang casino.
Katwiran ng mga kongresista, sumikat at dinadayo ang Boracay dahil sa likas na ganda ng beach nito.
Bukod dito, kadalasan ay pasyalan ito ng pamilya kaya hindi aakma ang isang casino.
Kung may mga tumututol, sang-ayon naman dito si House Minority Leader Danilo Suarez.
Pero sinabi ni Suarez, kailangang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang magtayo at magpatakbo ng hotel casino sa Boracay para matiyak na magiging kabahagi sa kita ang gobyerno.
Sinabi pa ni Suarez na makakatulong ang proyekto para lalong maayos ang Boracay dahil kailangang ayusin ang runway ng paliparan patungo dito at mas pagandahin ang lugar para lalong dayuhin ng mga turista.