“Kung kayo naman ay kinakabahan, hindi po ako tatakbong presidente. Para mapanatag kayo, hindi po. Huwag ako.”
Ito ang mariing pahayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga kritikong nagbibigay ng kulay ukol sa ibinibigay niyang tulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal.
Sa lingguhang “The Capital Report” ng alkalde sa Facebook, nanawagan sila ni Vice Mayor Honey Lacuna na huwag haluan ng pulitika ang donasyong nagmumula sa pamahalaang lungsod.
“Huwag masyadong magmamadali. 2022 pa ang halalan. Ang layo nun. Huwag, wag. Kawawa, kawawa tayo. Honestly ha. Honestly, I’m calling everybody’s attention,” pahayag ni Moreno.
Bago ito, ibinida ng alkalde na galing sa mga residente ng siyudad ang mga tulong na iniiabot nila.
Ilan daw sa mga nagmagandang loob ay overseas Filipino workers (OFW), city officials, tindera sa Divisoria, at mga kabataan.
Umabot sa halos anim na milyong piso ang perang ibinahagi ng lokal na pamahalaan para sa relief operations sa lalawigan ng Batangas.