HINDI APEKTADO | Mga Senador, hindi natinag sa panawagan ni Speaker Alvarez na huwag iboto ang mga kontra sa Federalism

Manila, Philippines – Hindi apektado ang mga senador sa panawagan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na huwag iboto ang mga miyembro ng mataas na kapulungan na kontra sa Federalism.

Para kay Senate Majority Leader Tito Sotto III, hindi nila dapat ikabahala ang nabanggit na apela ni Alvarez sa publiko, dahil batay sa kanyang karanasan sa nagdaang 10 Senatorial elections simula 1987 ay wala naman halos epekto ang negative campaigning.

Tiniyak naman ni Senator Bam Aquino na kahit anong mangyari ay hindi magpapabraso sa Kamara ang Senado.


Sa tingin naman ni Senator Win Gatchalian, ang pahayag ni Alvarez ay bilang pagpilit sa Senado na isantabi ang tungkulin para panatilihin ang check and balance na itinatakda ng konstitusyon.

Punto ni Gatchalian, malinaw sa pagdinig ng Senado na hindi pa rin klaro kung makikinabang ba talaga ang mga ordinaryong mamamayan sa planong Charter Change (Cha-cha) na magbibigay daan sa pagbabago ng gobyerno patungong Federalism.

Para naman kina Senators Franklin Drilon at Antonio Trillanes IV, makikita sa mga pahayag ni Alvarez ang tunay na intensyon ng isinusulong nitong Federalismo.

Malinaw ayon kina Drilon at Trillanes, na ang tunay na hangarin ng Cha-Cha ay para mapalawigin ang termino ng mga nakaluklok ngayong politiko, at alisin ang check and balance sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbuwag sa Senado.

Facebook Comments