Hindi awtorisadong pagbebenta ng COVID-19 vaccines, ibinabala ng pamahalaan

Nagbabala ang pamahalaan sa publiko na tumatangkilik sa anti-COVID-19 vaccines na ibinebenta ng ilang organisasyon o indibiduwal.

Sa joint statement ng National Task Force against COVID-19, Department of Health (DOH), at Food and Drug Administration (FDA), iginiit nila na ang bakunang ginagamit sa immunization program na ibinibigay sa mga medical frontliners ay libre.

Ang Emergency Use Authorization (EUA) na ipinagkaloob sa ilang COVID-19 vaccine ay hindi market authorization o Certificate of Product Registration – ibig sabihin, hindi pwedeng ibenta ang mga bakuna sa publiko.


Lumalabas sa ilang ulat na may ilang Filipino-Chinese businessmen ang planong magsagawa ng sarili nilang vaccination drive sa susunod na buwan gamit ang Sinovac vaccines ng China.

Nilinaw ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na ang re-selling ng COVID-19 vaccines ay hindi pinapayagan ng gobyerno.

Ang mga bakunang nabigyan ng EUA ng FDA ay ang Pfizer, AstraZeneca, at Sinovac.

Ang manufacture, importation, exportation, sale, distribution, transfer, non-consumer use, promotion, advertising, o sponsorship sa alinmang hindi rehistradong health product ay ipinagbabawal sa ilalim ng FDA Act of 2009.

Aabot sa isa hanggang 10 taon ang pagkakakulong at may multa na hindi bababa sa ₱50,000 at hindi hihigit sa ₱500,000.

Facebook Comments