Hindi awtorisadong paggamit ng Intravenous o IV Gluta, ipasisilip ng Senado

Paiimbestigahan ni Senator Nancy Binay ang mga ulat ng pagkasawi ng ilang indibidwal na iniuugnay sa hindi awtorisadong paggamit ng Intravenous Glutathione.

Sa Senate Resolution 952 ni Binay, tinukoy ang report ni Health Secretary Ted Herbosa nitong Enero na may babae sa Quezon City na pumanaw matapos na sumailalim sa hindi awtorisadong glutathione at stem cell infusion.

Sinabi pa sa report ang tungkol sa babae na nagka-cardiac arrest matapos ang glutathione treatment sa isang spa sa Sampaloc, Maynila noong 2020.


Nakasaad din na mismong si Herbosa ang nagsabi sa media na hindi ligtas gamitin ang IV gluta sa pagpapaputi at may warning pa na maaari itong magdulot ng iba’t ibang karamdaman batay na rin sa Food and Drug Administration (FDA).

Matatandaang naging kontrobersyal din ang gluta drip session ng maybahay ni Senator Robin Padilla sa loob ng kanyang opisina sa Senado na kalaunan ay nilinaw na hindi gluta kundi Vitamin C.

Facebook Comments