Hindi awtorisadong research vessel ng China, namataan malapit sa Catanduanes

Namataan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang hindi awtorisadong Chinese-flagged research vessel na “SHEN KUO” sa hilagang silangang bahagi ng Viga, Catanduanes.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad, unang nakita ang research vessel ng China nitong April 25, 60.9 nautical miles ang layo sa Rapu-Rapu Island, Albay.

Base aniya sa report ng Tactical Operations Wing, Southern Luzon na nagsagawa ng maritime patrol nuong Sabado, ang research vessel ay nakatigil lang sa lugar at wala ring personnel sa main deck.


Makailang beses ding sinubukan ng sandatahang lakas na makipag-communicate sa vessel pero wala silang nakuhang tugon.

Gayunpaman, tiniyak ng AFP na nananatili itong vigilante at patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa nasabing research vessel ng China na nasa loob ng maritime domain ng Pilipinas.

Sa ngayon, inatasan na ng Hukbong Sandatahan ang mga kalapit na barko na mas paigtingin pa ang surveillance at reporting nito hinggil sa naturang sasakyang pandagat.

Habang kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang Sandatahang Lakas sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa kaukulang pagtugon at imbestigasyon sa hindi otorisadong presensya ng Chinese research vessel sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.

Facebook Comments