Nilinaw ni vice presidential aspirant Senador Vicente ‘Tito’ Sotto III na hindi bawal ang judgmental ngayong halalan sa mga kinikilatis na mga kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo o maging sa senatorial candidates at local candidates.
Ayon kay Sotto, tanging sa Eat Bulaga lamang bawal ang judgmental subalit sa pagpili ng mga iboboto sa halalan ay dapat maging judgmental o kilatising mabuti o baka sa huli ang pagsisisi.
Nananawagan si Sotto na pag-aralang mabuti ang track record ng mga kandidato kung ano na ba ang mga nagawa para sa bayan at kung may bahid ng korapsyon ang bawat kandidato.
Hinikayat din ni Sotto ang publiko na maging mapanuri at busisiing mabuti ang bawat kandidato kung may kakayahan ba na maipatupad ang mga pangako at higit sa lahat dapat hindi nasangkot sa anumang uri ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sinabi naman ni presidential aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson na maraming magnanakaw o kurap na galit sa mga kapwa kurap kapag panahon ng eleksyon.
Ito ang dapat aniya na ingatan ng taumbayan na mailuklok nila sa pwesto ang akala nilang galit sa magnanakaw subalit isa rin palang magnanakaw.
Dagdag pa ni Lacson na kada eleksyon, laging naiboboto ng mga kababayan sa local at national election ang mga magnanakaw at sa huli ay laging nagsisisi kung bakit naiboto ang mga naturang politiko.