Manila, Philippines – Nilinaw ni Albay Rep. Edcel Lagman na hindi dapat maging isyu ang edad o katandaan ni dating unang Ginang at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa hatol na ibinaba sa kanya ng Sandiganbayan kaugnay sa pitong kaso ng graft.
Paliwanag ni Lagman, walang batas o desisyon mula sa Korte Suprema na nagsasabing hindi maaaring arestuhin ang isang indibidwal dahil sa katandaan.
Aniya, ang isang lumabag sa batas na ang edad ay mahigit sa 70 anyos ay entitled lamang sa mitigating circumstance o pagpapababa ng hatol base sa Article 13 ng Revised Penal Code.
Bukod dito, hindi rin abswelto sa pag-aresto ang isang myembro ng Kamara kung in-session ang Congress lalo na kung ang parusa ay mahigit sa 6 na taong pagkakabilanggo.
Discretion naman ng korte ang pagkakaloob ng bail sa isang akusado na convicted sa Regional Trial Court o kahanay na korte tulad ng Sandiganbayan para sa kasong ang parusa ay mas mababa sa reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo.
Si Ginang Marcos ay hinatulan ng pagkakakulong ng mula anim na taon hanggang 12 taon sa bawat isang bilang ng graft case nito.
Samantala, umaasa naman ang mga taga oposisyon na ibababa na rin agad ng Sandiganbayan ang P200 Billion forfeiture case kaugnay sa iligal na yaman na kinakaharap ng pamilyang Marcos.