Nagmosyon si ACT Teachers Rep. France Castro na i-defer ang pagdinig sa P1.474 Billion 2019 budget ng Presidential Communications Operations Office o PCOO.
Ito ay dahil wala sa deliberasyon ng budget kagabi si PCOO Asec. Margaux “Mocha” Uson na napag-alamang kasalukuyang nasa ibang bansa.
Giit ni Castro, wala na nga noong pagdinig ng budget sa House Appropriations Committee si Uson, hindi rin ito dumalo sa ikalawang pagkakataon sa budget deliberations sa plenaryo.
Ayon kay Castro, ito na sana ang pagkakataon na matanong si Uson dahil marami siyang concern sa tanggapan nito.
Mahalaga aniya na nasa pagdinig ito dahil ang PCOO ang “information arm” ng Pangulo.
Ipinunto pa ng kongresista na kahit ala una pasado na ng madaling araw ay matiyagang naghihintay ang mga Secretaries at Undersecretaries ng ibang ahensya para sa pagsalang nila sa budget.