Manila, Philippines – Tinawag ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi eksakto ang impormasyon at may layuning manligaw ang ipinapalaganap na balita na pinagtatapyasan ang budget para Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ayon kay OIC CHED Commissioner Prospero De Vera, walang dapat ikabahala ang mga magulang at mga estudyante dahil walang nagalaw sa budget sa implementasyon ng Tertiary Education Subsidy.
Nauna nang naglaan ang Duterte Administration ng 40 billion na nagamit sa reimbursement sa mga tuition fee na nasingil noong June 2018.
At sa ilalim ng 2019 budget, nagdagdag pa ang gobyerno ng 11 billion.
Ipinagkatiwala sa CHED at UNIFAST ang pagpapalabas ng pondo sa may 112 na State Universities and Colleges (SUCs) at sa may 78 na Local Universities and Colleges na tumanggap ng mga enrollees noong June 2019.
Dito rin huhugutin ang subsidy sa implementasyon ng National Study Loan Program.
7 billion naman ay idiniretso na sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mag-e-enroll sa Technical Vocational Training.