Manila, Philippines – Nangako ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na hindi iiwan at patuloy na magbibigay ayuda sa mga biktima ng gyera sa Marawi City.
Ayon kay TESDA Director-General Guiling Mamondiong nuong 2017, nakapaglaan ang ahensya ng P49,691,536.57 na pondo para sa pagsasanay o training ng 6,801 Internally-Displaced People sa Marawi.
Ngayong taon nangako ang TESDA na magtatayo ng 39 na Skills Training Courts kung saan dito hahasain ang nasa 10,000 IDPs.
Target din nilang mabigyan ng Competency Assessment and Certification of Workers ang mga skilled IDPs.
Patuloy din aniyang magkakaloob ang TESDA ng tool kits.
Kabilang sa mga skills training na ipagkakaloob ng ahensya ang Agricultural Crops Production, Animal Production, Aquaculture, Bread and Pastry Production, Cookery, Dressmaking, Hairdressing, Processed Food, Carpentry, Driving, Masonry at Plumbing.