Manila, Philippines – Hindi Ipipilit ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang posisyon ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte sa harap narin ng pahayag ng Carpio na hindi niya tatanggapin ang nominasyon sa kanya sa posisyon dahil ayaw niyang makinabang sa isang bagay na hindi naman niya kinatigan.
Matatandaan kasi na hindi pumabor si Carpio na patalsikin si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan Quo Warranto bagkus ay dapat masunod ang saligang batas na sa pamamagitan lamang ng impeachment mapatatalsik ang Punong Mahistrado.
Ayon kay Pangulong Duterte, para naman siyang sira ulo kung itatalaga parin niya si Carpio kahit pa inihayag na nito na hindi niya tatanggapin ang posisyon.
Sa ngayon aniya ay hihintayin nalang niya ang binubuong shortlist ng Judicial and Bar Council o JBC at kokonsultahin ang mga nasa Hudikatura partikular ang Integrated Bar of the Philippines bago magtalaga ng bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema.