Cauayan City, Isabela- Viral sa social media ang pahayag ni Sadanga Mayor Gabino Ganggangan sa usapin ng COVID-19 at ang pagsasabi nito na ‘The Sadanga New Normal’.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Ganggangan, bakit hindi aniya bigyan ng interpretasyon ang isinasapublikong mga bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 upang higit itong maintindihan ng publiko.
Aniya, isang pangkaraniwang trangkaso lang ang sakit na COVID-19 na malaking epekto sa tao.
Makalipas ang higit 1-taon na may takot at pagkabalisa ng publiko dahilan para ipatupad ang kaliwa’t kanang lockdowns at quarantine na naging resulta rin ng pagbaba ng ekonomiya, kultura at panlipunang usapin kung ikukumpara sa dating normal na buhay ng tao.
Aniya, dumaan na sa iba`t ibang uri ng quarantine status ang bansa gaya ng MGCQ, GCQ, ECQ at iba pa ngunit tulad ng naobserbahan, ang pagkalat ng virus na ito ay hindi mapipigilan at kalaunan ay maaabot nito ang bawat sulok ng mundo.
Dagdag pa ng opisyal, kayang-kayang labanan ng isang tao ang virus kung mapapanatili ang malakas na resistensya o immune system.
Sinabi pa ng opisyal na hindi umano makakatulong ang 14-days mandatory quarantine kung ikaw ay positibo sa virus dahil nagdudulot lamang ito ng pagkainip at pagkainis gayundin ang mga maiisip na negatibong pakiramdam na posibleng magdala sa mental at psychological stress ng isang pasyente.
Paraan aniya ng pagpapatupad ng mga lockdowns ay ang maiwasan ang pagkalat ng virus subalit inaabisuhan naman ang bawat isa na uminom ng maligamgam na tubig na may kasamang lemon o calamansi squeeze araw-araw upang mapalakas ang immune system.
Inihayag rin ng alkalde, ang mga nahawaan ng COVID-19 gaya ng pagkaranas ng karaniwang sipon, lagnat o anu pa mang klase ng virus ay kinakailangan na gawin ang ilang pamamaraan dalawang beses kada araw partikular sa umaga at gabi para labanan ang nasabing sakit.
Hinimok rin nito ang kanyang mga kababayan na huwag magsuot ng face mask o face shield tuwing mag-isa lang at lumanghap ng sariwang hangin kung kinakailangan.
Inaatasan rin nito ang lahat ng barangay na gamitin ang pondo sa pagbili ng mga vitamin c at iba pang gamot na pampalakas ng immune system, food supplements, prutas at mga kakailangin pa ng kani-kanilang kabarangay.
Sapat na rin aniya ang naranasang malaking takot at bahagi lamang ito ng new normal.
Sa huli, sinabi nito na ang mga Purok, Barangay at Municipal lockdowns ay hindi umano naaangkop na tugon ng pamayanan sa pagsasailalim sa 14-days quarantine dahil ito ay nagiging dahilan ng pagkaparalisa sa usapin ng ekonomiya, panlipunan, kultura.