Hindi lang sa Ilocos Norte kundi pati flood control sa Davao City, iniimbestigahan din! — Palasyo

Hindi lang ang Ilocos Norte ang iniimbestigahan kundi pati na rin ang Davao City at iba pang lugar na may kuwestiyonableng flood control projects.

Ito ang bwelta ng Malacañang sa batikos ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na hindi umano kapanipaniwala ang imbestigasyon ng pamahalaan dahil ilan sa mga kontratista sa Ilocos Norte ay konektado sa mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nasa kamay na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kaso at malaya itong kikilos nang walang pakikialam mula kay Pangulong Bongbong Marcos.

Asahan na aniyang sisilipin din ng ICI ang iba pang lugar na may kuwestiyonableng proyekto maging ang mga konektado kay Vice President Sara Duterte.

Kasunod nito, hinamon din ni Castro si Singson na ipanawagan din ang pagtutok sa mga umanoy “ghost projects” ng nakaraang administrasyon.

Ito’y para hindi aniya masabing pumapabor lamang siya sa bise presidente dahil inamin na noon ni Singson na sinusuportahan niya si VP Sara.

Facebook Comments