Manila, Phillippines – Iginiit ng Gabriela Party List sa Kamara na hindi pa rin ligtas sa pananagutan ang Sanofi Pasteur dahil lamang sa ibabalik nito ang bahagi ng pondong iginugol ng gobyerno para sa Dengvaxia vaccine.
Napagdesisyunan ng Sanofi na ibalik ang P1.4 Billion sa pamahalaan.
Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, hindi sa pagbabalik ng bahagi ng pondo natatapos ang usapin.
Sinabi ng kongresista na kahit buong pondo na P3.5 Billion ang isauli ng Sanofi ay hindi ito dapat palusutin gayundin ang mga opisyal ng pamahalaan na nasa likod ng railroading para mabakunahan ng anti-dengue vaccine sa mga estudyante.
Ang pagbabalik aniya ng pondo ay hindi magbibigay ng hustisya sa mga kabataang naturukan ng nasabing bakuna at sa mga magulang na namatayan ng anak.
Dagdag ni Brosas, ang mas kailangan ngayon ng mga magulang at mga anak na apektado ng ibinakuna na Dengvaxia Vaccine ay libreng access sa pagpapaospital, laboratory, at iba pang medical services sakaling kakitaan ng komplikasyon ang mga kabataang nabakunahan nito.
Mas malaking tulong aniya kung aaksyon na ang gobyerno para kumpletuhin ang mga pangangailangan para sa libreng medical services para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.