Zamboanga – Inamin ng National Housing Authority sa Kamara na may palpak sa disenyo ng housing units sa Zamboanga City.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Housing and Urban Development sa kondisyon ng Zamboanga City Roadmap to Recovery and Reconstruction o Z3R project, pinuna ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento ang NHA na isang housing agency ng bansa pero palpak naman sa mga ginawang pabahay.
Agad namang inamin ni NHA General Manager Marcelino Escalada Jr na may `failure` nga sa disenyo ng stilt housing para sa mga Badjao na biktima ng Zamboanga siege matapos na gumamit ng hindi matibay na kahoy.
Paliwanag ni Escalada, 2014 ginawa ang mga pabahay at halos kumpleto na ang housing units maliban na lamang sa phase 4 na kanyang inabutan nang maupo sa NHA noong June 2016.
Aniya, inatasan na niya ang lahat ng regional managers at contractors na i-redesign ang 40% ng natitira sa phase 4 ng Z3R project gayundin ang footbridge para gawin na itong kongkreto.
Dagdag pa nito, kinomisyon na rin niya ang housing at technology department para idisenyong muli ang buong pabahay para hindi na maulit na masira ang mga ito dahil isa itong permanent settlement area.
Ipinagmalaki pa ni Escalada na hindi siya manghihinayang na gumastos para sa disente at maayos na housing projects ng NHA.