Hindi magkakatugmang datos ukol sa suplay ng sibuyas, pinuna ng mga kongresista

Sa pagdinig ng Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Representative Wilfrido Mark Enverga ay pinuna ng mga kongresista ang hindi magkakatugmang datos ukol sa suplay at demand ng sibuyas sa bansa.

Pangunahing kinukwestyon ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang datos ng Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI) kung saan lumalabas na nagkaroon ng biglaang 39% na pagtaas sa demand ng sibuyas noong 2022 gayong mula 2011 hanggang 2021 ay nasa 5 porsyento lang ito.

Dahil diyan ay naniniwala si Quimbo na “reengineered data” o peke ang datos dahil hindi ma-reconcile ng BPI at Philippine Statistics Authority (PSA) ang kakulangan ng supply sa merkado.


Ipinagtataka naman ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang datos ng DA-BPI na sa kabila ng 120% na sufficiency sa suplay ng sibuyas noong 2022 ay nagkaubusan ng suplay.

Binanggit ni Marcoleta na kung titingnan rin ang datos ng ahensya noong mga nakaraang taon mula 2018 ay parating mayroong sapat na suplay ng sibuyas ang bansa.

Dismayado naman si Quezon Rep. David Suarez sa hindi magkatugmang datos ng Bureau of Customs (BOC) at DA-BPI pagdating sa pumasok o imported na sibuyas sa bansa.

Ayon kay Suarez, ang magkakaibang numerong ito ang posibleng pagmulan ng economic sabotage at hoarding.

Facebook Comments