Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang administrasyon na magtalaga ng isang tagapagsalita lamang na tatalakay sa usaping kaugnay sa COVID-19.
Ito ang panawagan ni Robredo dahil sa magkakaibang pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan ukol sa paghahanda para sa 30-day community quarantine.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na ang hindi magkakatugmang pahayag ng ilang opisyal kaugnay sa curfew ay magdudulot lamang ng kalituhan sa publiko.
Ipinunto pa ng Bise Presidente na dapat pinag-uusapan muna nila ito bago sila maglabas ng statement.
Binigyang diin ni Robredo ang kahalagahan ng tiwala ng publiko para makipagtulungan ang mga ito sa hakbang ng gobyerno na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Tugon ng Malacañang, walang kontradiksyon ang mga pahayag.
Bwelta ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi kasi pinapakinggan ng mabuti ang sinasabi ng mga opisyal.
Nilinaw din ng palasyo na maliban sa Pangulo, ang Presidential Spokesperson at Secretary of Health ang mag-aanunsyo o tatalakay ng general policies at guidelines kaugnay sa COVID-19.