Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na walang kaugnayan ang pagkakaaresto ni PISTON President George San Mateo sa sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaaresto ang mga legal fronts ng rebeldeng grupo o Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang isinampang kaso laban kay San Mateo ay walang kinalaman sa isyu ng rebelyon o ang utos ng Pangulo na arestuhin ang mga miyembro ng legal fronts ng NPA.
Paliwanag ni Roque, ang kaso ni San Mateo ay dahil sa paglabag nito sa Commonwealth Act number 14 na may kaugnayan sa franchise holder na siyang nagbabawal sa mga ito na manguna o sumali sa anomang transport strike dahil ang kanilang hawak na franchise ay para magserbisyo sa publiko.
Binigyang diin ni Roque na malinaw na malinaw na ang kaso ni San Mateo ay paglabag sa Public Service Law at hindi ano pamang kaso.