HINDI MAPIGILAN | Motorcycle for hire, dapat nang i-regulate – Commuters Group

Manila, Philippines – Umapela ang Lawyer’s for Commuters Safety and Protection o LCSP sa gobyerno na kailangan nang magpatupad ng regulasyon sa mga ‘motorcycle for hire’ gaya ng angkas.

Ito ay sa gitna na rin ng popularidad ng nabanggit na Transport Network Company na kamakailan lamang ay ipinahinto ng LTFRB ang operasyon.

Ayon kay LCSP, President Atty. Ariel Inton, hindi na mapipigilan ang paggamit sa motorsiklo bilang alternatibong Transportasyon dahil na rin sa nararanasang matinding trapik sa Metro Manila.


Sabi ni Inton, mananatiling ilegal ang operasyon ng angkas at ng iba pang ‘FOR HIRE’ na motorsiklo hanggat’ walang regulasyon dahil alinsunod sa batas ay bawal gamitin sa serbisyo ang anumang uri ng sasakyang naka-rehistro bilang pang-pribado tulad ng motorsiklo.

Bilang isang dating opisyal ng LTFRB, mungkahi ni Inton na hindi lamang dapat tumigil ang LTFRB sa pagpapahinto sa operasyon ng angkas dahil hindi naman nito kayang pigilan ang isang commuter na huwag itong sakyan.

Paliwanag ng LCSP, wala ring mangyayari rito dahil naalis lang ang Booking System nito sa Mobile Application at iba pang Online Platform.

Kahapon, isanlibong riders at operators mula angkas ang sumugod sa tanggapan ng LTFRB upang makipag-dayalogo.

Kabilang sa pinag-usapan ang isang alternatibo na maibibigay lamang ng gobyerno sa ngayon para sa mga apektadong angkas riders tulad ng Livelihood Program mula sa DOLE.

Facebook Comments