Umapela ang Philippine Inter-Island Shipping Association (PISA) sa Philippine Ports Authority (PPA) na bigyan ng dagdag na “waiving of fees” o ilibre muna sa ilang bayarin ang shipping lines na bahagi ng relief efforts sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.
Sa kasalukuyan ay may anim na malalaking cargo shipping companies na bahagi ng PISA ang tumutulong sa paghahatid ng relief sa mga biktima ng bagyo.
Ang anim na cargo shipping companies sa pantalan ng Bacolod, Cagayan de Oro, Tagbilaran, at Puerto Princesa ay libre naman sa singil sa shipping at delivery fees.
Ngunit sa briefing ng House Committee on Transportation, humirit si PISA Executive Director Atty. Pedro Aguilar ng dagdag na waiving of fees para sa mga barkong bahagi ng relief efforts.
Bagama’t, welcome naman aniya ang hindi na pagbabayad ng terminal fee, ito ay para lamang sa mga RORO vessel at hindi kasama ang cargo ships tulad ng kanilang mga miyembro.
Hiniling din nito na i-waive ang cargo handling fee para sa relief goods, gayundin ang wharfage at dockage fee para sa relief cargos ng isang linggo.
Umapela rin ito sa Department of Transportation (DOTR) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na i-exempt muna sa truck ban ang delivery ng relief goods sa Manila at mga apektadong daungan upang mapabilis ang daloy ng ayuda sa mga sinalantang lugar.