Manila, Philippines – Para sa ilang senador, walang pangangailangan na magkaroon pa ng Summit para pag-usapan ng mga leader ng Senado at Kamara ang mga isyu kaugnay sa planong Charter Change.
Una rito ay iminungkahi ni Senator Juan Miguel Zubiri na magkaroon ng summit para plantsahin ang hindi pagkakasundo ng mga senador at kongresista sa magiging paraan ng paglatakay at botohan para sa Cha-Cha.
Naniniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na bago magsagawa ng Cha-Cha Summit ay makabubuting magkahiwalay munang magdaos ng public hearings ang dalawang kapulungan para tukuyin kung may pangangailangan ba na gawin ang Cha-Cha at ano ang tamang paraan para ito ay isakatuparan.
Suhestyon naman ni Committee On Constitutional Amendments Chairman Senator Kiko Pangilinan, sa halip na Summit ay pwede namang magtawagan na lang o magkape ang mga lider ng Senado at Kamara.
Sabi naman ni Senate President Koko Pimentel, pwede silang makipag-usap sa mga lider ng kamara basta’t maluwag ang kanilang schedule.