Ikinalugod ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin ang pagbabago ng isip ng pamahalaan na huwag nang kunin ang kalahati sa bakunang bibilhin ng mga private sector.
Ayon kay Garbin, welcome at isang magandang balita ang pagbabago ng isip ng National Task Force (NTF) na hindi na makihati o humingi ng donasyong bakuna mula sa pribadong sektor.
Dahil aniya sa development na ito ay posibleng hindi lamang ang mga empleyado sa pribadong sektor ang mabibigyan ng COVID-19 vaccine kundi pati na rin ang pamilya ng mga ito.
Giit ng kongresista, pera ng pribadong sektor ang ipinambili sa bakuna kaya nararapat lamang na sa kanilang mga empleyado ito mapunta para makapagpatuloy agad ang mga ito sa kanilang trabaho.
Umapela si Garbin sa pamahalaan na pagkatiwalaan ang kawang-gawa ng mga kompanya at mga negosyante para sa mabilis na pagbabalik normal ng buhay ng mga manggagawa.