Lubos na nanghihinayang si Senadora Risa Hontiveros sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na wala nang intensyon ang bansa na maging bahagi o sumali muli sa International Criminal Court (ICC).
Kinwestyon ni Hontiveros ang tila may pag-aalinlangan na pahayag ng pangulo kasabay ng pahayag na ‘prerogative’ naman ng presidente ang naging aksyon.
Sinabi ng senadora na ang “Rome Statute” ay isang sama-samang commitment ng mga bansa laban sa ‘state-sponsored impunity’.
Umaasa si Hontiveros na hindi mamaliitin o haharangin ni Pangulong Marcos ang anumang imbestigasyon laban sa mga paglabag sa karapatan na ginawa bago pa man umalis ang bansa sa ICC.
Giit ng senadora, mandato pa rin ng ICC na magsiyasat kaya hindi dapat harangin ang kanilang trabaho at kung wala naman aniyang itinatago, hindi dapat matakot ang sinuman sa imbestigasyong ito.